Translate

Saturday, July 25, 2009

naalala ka

...malamig ang simoy ng hangin sa may paanan ng bundok ng hapong yon...

...tila tumigil din ng bahagya ang pagihip nito kasabay ng unti unting pagbagsak ng mga dahon...

...bumubulong ang hangin sa mga puno ng pino at huni ng mga ibong gala'y tila dumaramay sa katahimikan...

...kaybango ng halimuyak ng ilang ilang sa dako roon ngunit di pansin sa pagkakaupo...

...mga bulaklak na alay ay nangatuyo na sa pagdaan ng mga araw na akoy wala...

...hapon na naman at naaalala ka,ngayoy tinititigan ka ng buong pagsumamo...

...muling bumabalik upang makausap ka at makaramay...

...mapag alayan ng mga kwento, hinanakit sa mga nagdaang araw...

...sa pagkapikit ay muling bumabalik ang mga alaala mo kasabay ng muling pagpatak ng mga luha...

...bumulong ka sa akin tulad ng hanging nagdaraan,

...alam kong batid mo ang lahat sa akin at ang pangungulila...

...nasaan ka man alam kong masaya ka at muling maghihintay...

...dala koy ang ibig mo inay, mga rosas mula sa dati'y iyong hardin,

...paalam na inay, muli akong magbabalik upang dalawin ka at pag alayan sa iyong himlayan...

...salamat sa iyong pakikinig sa aking hinagpis at pagdamay...

Tuesday, July 14, 2009

Libis ng Nayon

Sa libis ng nayon ako nagmula

Sa gilid ng punung kawayanan

Sa may daang pilapil

Sa may dulo ng palayanan

Doon mandiy nakatirik

Munting aming tahanan

Tanaw sa bintanay matayog na bundok

Sa ibaba’y gintong taniman

Saklob ng asul na langit

Sa taas ng yaring kagandahan

Ibong Malaya at huniy

Pumapailanlang sa haring araw

Sa may ilaya naman sa dakong burol

Ang landas ng isang salaming ilog

Sa kulay ng langit, mandiy kaylugod

Sa katahimikan niyang masid

wag mo sanang itutulot

Pumalaot sa gitna ay lalim

Niyang waring pinakapusod

Habang bagtas naman

Ang daang hatid ng paragos

Sa bawat paligid nitoy mga puno ng niyog

Sa lilim ng kalinga niyat kaway

Hatid ay hanging lamig-lubos

sa mga magsasakang maghapong pagod



at sa pagsapit ng isang pagkulimlim

sa papalubog na araw

mistulang iginuhit ng pintor ang langit sa kariktan

mababanaag ang gawa ng isang Maykapal

kasabay ng salimsin, bango ng libis ng nayon



at muling iindap ang bunsol sa magdamag

sa dilim ng gabing hatid ng kanayunan

sa musikang aliw ng kiskis ng kawayanan

at huni ng gabing ibon…

diwa koy mahihimbing sa katahimikan

Thursday, July 9, 2009

May luha ang isang tagumpay


Naalala kita ngayon habang pigil ang mga luha

Habang tangan sa kamay ang diploma ng tagumpay

Ikaw ang nais na makapiling, hiling sa Maykapal

Ngayong nagbunga na ang matagal mo ng paghihintay



Ngunit tila kimi ang hakbang ng bawat paa ko

Papalayo sa entablado ng mga hurado

At binging di alintana ang bawat palakpakan

at mga bating hatid ng mga nangatuwang magulang



Malayang nangilid ang luha ng alaala mo

Para saiyo ang araw ng aking pagtatapos

Sayo nais ialay mga papuring nilalaan

Ikaw ang siyang inspirasyon ng aking nakamtan



Ngunit di ito ang nais ko kapalit ng isang tagumpay

Ni di ipagpapalit ang buhay mo sa isang rolyong papel

Ito ba ang kapalit ng pagsisikap mo mahal na inay

ang igupo ka ng katawang pagod sa kabilang buhay



Ahh!



Sa tapat ng iyong puntod ay aking inaalay

Isang munting papel ng ating mga pagsusumikap

Ito ang nais mo noon pa aking mahal na inay



…. kung kapiling ka sana, ikaw ang tunay kung tagumpay

Sunday, July 5, 2009

Anihan sa nayon


Yukod sa init ng tagaraw,habang tangan

ang gapas na muli ay siyang nasilayan

Sa pagkakatago noong isang anihan

pigil sikil at pag-unday sa punung palay



Yakap higpit sa pagpasan

Mga kumpol ng timbong ginto

Sa putik ng kalupaan

Naipon at naghihintay



Umihip ang isang amihan

Habang sunod sa tila kaway

Mga kiskis ng dahon na tuyot

aliw sa magsasakang pagod



Nakatirik ang tuyong anahaw

sa gitnang pusod ng palayanan

Upang doon ay maisalansan

gintong dulot ng isang tagaraw



Butil-butil sa hampas ng lakas

ang batong di natinag sa tatag

Upang aning asam ay makalap

Sa banig na buli’y nakalatag



Giniik ng mga paang hubad

sa timbong palay ay mabukod

Dayaming hugot na pinisan

ngayo’y sang-tumbok na salansan



Umihip ka pa sana hanging lakas

Sa bilaong likom ang aning butil

Sa paglipad ng ipa’t dahong palay

Dasal ang saganang ani ng tagumpay