Translate

Thursday, May 13, 2010

Hiling na Paglaya










Sa taas ng punung mangga

ay aking natatanaw

mula sa pagkakaupo

sa sangang kanyang kamay.



Mga batang musmos doon

sa may di kalayuan lang,

sa kaparangang lunti

sa gilid ng palayanan



Ang isa’y pigil nilululos

ang pisi sa munting kamay

at habang tangan ng isa

ang guryon sa may duluhan



na pilit kumakawala

sa hanging dumaraan lang,

waring nagsasabi manding

ibigay ang inaasam



Kalayaan na makamtan

paglipad sa kaitaasan

upang dooy mamalagi

sa indayog ng kalawakan.



At sa di kalaunan pa ngay

sumipol ang isang bugso na dapyo,

upang dinggin isang pagnasa’

sa alapaap dalhin ang pagsamo



Ahh!at ang guryon nga’y biglang nakawala

sa munting kamay habang tanaw sa ibaba

ngunit pansamantala lang na paglaya

sa pising hila, taling sikil ang pagasa.



Hanggang sa lumakas ang hangin

sa kaniyang paglipad-lipad,

at tila ibinigay kanyang dalangin

makawala sa pisi’y hangad.



Sa pagmasid mula sa taas ng mangga…



nais kung isipin sa huli’y nakamtan na ng guryon

ang kaniyang tunay hangad na paglaya...



Kasabay ng hanging amihan sa palubog na araw.