Sa libis ng nayon ako nagmula
Sa gilid ng punung kawayanan
Sa may daang pilapil
Sa may dulo ng palayanan
Doon mandiy nakatirik
Munting aming tahanan
Tanaw sa bintanay matayog na bundok
Sa ibaba’y gintong taniman
Saklob ng asul na langit
Sa taas ng yaring kagandahan
Ibong Malaya at huniy
Pumapailanlang sa haring araw
Sa may ilaya naman sa dakong burol
Ang landas ng isang salaming ilog
Sa kulay ng langit, mandiy kaylugod
Sa katahimikan niyang masid
wag mo sanang itutulot
Pumalaot sa gitna ay lalim
Niyang waring pinakapusod
Habang bagtas naman
Ang daang hatid ng paragos
Sa bawat paligid nitoy mga puno ng niyog
Sa lilim ng kalinga niyat kaway
Hatid ay hanging lamig-lubos
sa mga magsasakang maghapong pagod
at sa pagsapit ng isang pagkulimlim
sa papalubog na araw
mistulang iginuhit ng pintor ang langit sa kariktan
mababanaag ang gawa ng isang Maykapal
kasabay ng salimsin, bango ng libis ng nayon
at muling iindap ang bunsol sa magdamag
sa dilim ng gabing hatid ng kanayunan
sa musikang aliw ng kiskis ng kawayanan
at huni ng gabing ibon…
diwa koy mahihimbing sa katahimikan