Translate
Thursday, May 13, 2010
Hiling na Paglaya
Sa taas ng punung mangga
ay aking natatanaw
mula sa pagkakaupo
sa sangang kanyang kamay.
Mga batang musmos doon
sa may di kalayuan lang,
sa kaparangang lunti
sa gilid ng palayanan
Ang isa’y pigil nilululos
ang pisi sa munting kamay
at habang tangan ng isa
ang guryon sa may duluhan
na pilit kumakawala
sa hanging dumaraan lang,
waring nagsasabi manding
ibigay ang inaasam
Kalayaan na makamtan
paglipad sa kaitaasan
upang dooy mamalagi
sa indayog ng kalawakan.
At sa di kalaunan pa ngay
sumipol ang isang bugso na dapyo,
upang dinggin isang pagnasa’
sa alapaap dalhin ang pagsamo
Ahh!at ang guryon nga’y biglang nakawala
sa munting kamay habang tanaw sa ibaba
ngunit pansamantala lang na paglaya
sa pising hila, taling sikil ang pagasa.
Hanggang sa lumakas ang hangin
sa kaniyang paglipad-lipad,
at tila ibinigay kanyang dalangin
makawala sa pisi’y hangad.
Sa pagmasid mula sa taas ng mangga…
nais kung isipin sa huli’y nakamtan na ng guryon
ang kaniyang tunay hangad na paglaya...
Kasabay ng hanging amihan sa palubog na araw.
Wednesday, May 5, 2010
Upos na buhay
Hindi ko nakita ang kapayapaan sa paglubog ng araw ngayon
Na dati’y nalalasap ko sa tuwing minamasdan ang paglubog nito
Hindi ko pansin ang ganda ng kulay ng langit at tila kimi sa pagkakaupo
Wala ang kasagutan sa mga tanong ko ng hapong ‘yon
Wala ang saya na dati’y dulot nang hampas ng mga alon
Wala ang sarili,dinala ng isang alaala ng kahapon..
Naglulunoy sa usok ang isipan sa bawat buga ng munting karamay
Naglalaro ang nakaraan ngunit nabubuhay ang sarili sa pasanin nang hinaharap
Napapawi ang pangungulila ngunit ang kinikimkim ay nadarama
Nawawala na rin ng bahagya, sa bawat alapaap ng usok na kanyang dala
Sa isang kaha ng kamatayan, sa panandaliang aliw ng laro sa baga
hindi tulad nang minamahal na nawawala sa pagdaan ng oras
sa sinding upos ay kagyat siya’y naririyan
di nanunumbat, nanunudyo, tahimik na siyay naglalaan
ng oras sa tuwing nanaisin, sa sindi ng apoy siya’y kaagapay
tila ba nakatitig lang at nakikiramay
ngunit alam ko sa sarili kong siya’y kathang isip lamang
na laging hinahanap.. inimbento ng mundo ko.. kahit na
malungkot mang sabihing pinili ko
at sa kamatayan ay maaaring biglang patunghan
ahh…pikit bugang nilalasap sa oras na ninais ko
sa oras na ako’y nangangailangan…
upos ng buhay ko’y tila alam niya kung hangang saan ang kahahantungan..
Sunday, May 2, 2010
Munting Pagdamay ng Pipit
Sa aking paglipad sa malayang himpapawirin
panatag ang loob na lubos aking mararating
ang matayog na bundok at luntiang kakahuyan
karatig ng nayon,ilog at ibabang kaparangan
Sa tuwing ikakampay ko ang aking pakpak
sa bagwis mang munti’y aking nalalasap
kalayaang loob sa aking bawat paglipad
tila mararating din ang tayog ng alapaap
Sa ibaba koy tanaw ang gintong bukirin
na ngayoy kumakaway sa ihip ng hangin
minsay nakayukod na sa lakas ng pagihip
at sa bigat na dulot ng kumpol aning bitbit
At sa dako doon ay ang sigla ng sikat haring araw
sa bukirin ay nakamatyag sa buong maghapon
upang sa pagdating ng tagulan sa bukiri’y siyang bantay
bahagharing magbabanta sa magsasakang pagod
...ahh at ang huni ko'y sa inyo makikiramay
bawat awit koy katumbas ang inyong paghahangad
na ‘di huminto yaring pagihip ng amihan
kasabay ng sipol ninyo,hiling itaboy ang pag ulan
Subscribe to:
Posts (Atom)